Pahayag ng pambansang tanggapan ng League of Filipino Students sa paggunita ng ika-anim na anibersaryo ng pamamaslang kay Rei Mon “Ambo” Guran, tagapagsalita ng LFS sa Aquinas University of Legazpi. Ibinahagi nitong ika-31 ng Hulyo, 2012 sa Bulan Freedom Park sa Bulan, Sorsogon.

Pinakamataas na pagpupugay at mapanlabang pagbati!

Sa pag-alaala natin sa ika-anim na taong paggunita sa kamatayan ng ating kasamang si Rei Mon “Ambo” Guran, binabalik-tanaw natin ang kanyang naging buhay at pakikibaka sa hanay ng mga masang estudyante at mamamayan bilang isang masugid na tagapagtaguyod ng kanilang interes at ng mga prinsipyo ng ating liga. Isa sa mga prominenteng lider-estudyante sa rehiyon ng Bikol, ang araw ng pagkawala ni Ka Ambo ay naging isang madilim na kasaysayan ng ating mapagpalayang kilusan. Ngunit sa kanyang pagkawala ay hinding-hindi malilimot ng kabataan at mamamayan ang kanyang prinsipyo, paninindigan, at adhikain na mananatiling buhay sa alaala ng buong sambayanan.

Sa gitna ng tumitinding krisis na nararanasan ng mamamayan, isinilang si Ka Ambo at namulat sa gitna ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Walang pag-iimbot na inalay niya ang kanyang oras, panahon, at kanyang buhay; niyakap niya ang hirap, sakripisyo, at maging ang kamatayan alang-alang sa pagtataguyod ng interes ng kabataang Pilipino at ng buong mamamayan. Walang pag-iimbot siyang nag-organisa, nagmulat, at nagpakilos laban sa numero unong ugat ng kahirapan: ang Imperyalismong Estados Unidos.

Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, unti-unting nailalantad ang katangian ni Noynoy Aquino bilang isang pangulong tagapaglingkod at tagapagtaguyod ng interes ng imperyalistang EU at ng mga kauri nito bilang isang pangulong haciendero. Sa dalawang taon pa lamang ng panunungkulan nito sa kapangyarihan ay papatindi ang pasistang atake ng rehimen sa mga mamamayan sa ilalim ng Oplan Bayanihan na pagpapatuloy lamang ng madugong Oplan Bantay Laya ng nakaraang rehimen. Ito ang malinaw na programang kontra-insurhensya ng reaksyunaryong estado laban sa hanay ng patuloy na lumalakas na rebolusyonaryong kilusan. Pinasasahol pa ito ng higit pang panghihimasok ng mga tropang Kano sa bansa sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA), na subok sa karanasan at kasaysayan ng pananatili ng baseng Kano sa bansa ay napakarami nang ginawang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino. Maging sa kasalukuyan, alam natin na walang ibang layunin ang mga ito kundi paghusayin ang reaksyunaryong hukbo ng estado sa pamamagitan ng paglunsad ng mga exercises laban sa kanyang mga mamamayan at sa pagsupil sa lumalakas na hanay ng rebolusyonaryong kilusan.

Ngunit sa kabila ng pasistang atake ng estadong ito ay hindi nangimi ang malawak na hanay ng kabataan at mamamayan na magpursigi sa pagsulong sa pambansa-demokratikong kilusan sa kalunsuran at kanayunan. Katulad ni Ka Ambo, dapat tayong magpakatatag sa gitna ng hirap at sakripisyo.

Sinasabi natin na marahas ang digma, ngunit mas marahas ang dahilan nito. Dapat tayong higit na magpursigi at magpunyagi sa pagsusulong at pagpapalawak ng ating pambansa-demokratikong hanay, tungo sa libu-libo hanggang sa milyun-milyong kabataan at mamamayan na tatahak  at magpapatuloy sa nasimulang pakikibaka ni Ka Ambo. Siya ay isa sa magsisilbing huwaran at ilaw sa landas na tatahakin ng kabataan at mamamayan tungo sa landas ng pagrerebolusyon—tungo sa higit na pagwawakas at ganap na pagpapabagsak sa imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo hanggang sa maitaguyod ang isang sosyalistang lipunan na magwawakas sa tanikala ng kahirapan at kawalan ng hustisya.

Hustisya para kay Ka Ambo Guran!

Hustisya para sa lahat ng biktima ng pampulitikang pamamaslang!

Wakasan ang Oplan Bayanihan sa ilalim ng Rehimeng US-Aquino!